Posibleng manipulasyon sa presyo ng sibuyas, pinapaimbestigahan sa Kamara

Pinapaimbestigahan ng Makabayan Bloc sa House Committee on Agriculture and Food ang posibleng manipulasyon at hindi makatwirang pagtataas sa presyo ng sibuyas sa bansa.

Nakapaloob ito sa House Resolution 673 na inihain nina Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Representative France Castro at Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel.

Tinukoy sa resolusyon na noong Setyembre hanggang Oktubre ng nakaraang taon ay nagsimulang tumaas sa ₱300 hanggang ₱400 ang kada kilo ng sibuyas.


December 2022 naman ay inihayag ng Department of Agriculture (DA) na pumalo na sa ₱500 hanggang ₱720 ang kada kilo ng local red onions habang ₱600 per kilogram naman ang presyo ng local white onions.

Ngayong January naman ay nagpatupad ang DA ng suggested retail price (SRP) na ₱250 kada kilo ng sibuyas.

Ayon sa Makabayan Bloc, napakalayo ng nabanggit na mga presyo sa napaulat na ₱25 hanggang ₱27 na farmgate price ng sibuyas noong kalagitnaan ng Nobyembre ng nakaraang taon.

Isinisi rin ng Makabayan Bloc sa talamak na smuggling ang pagsirit ng presyo ng sibuyas kada kilo na mas mataas pa sa ₱570 na daily minimun wage ng mga manggagawa.

Naniniwala ang Makabayan Bloc na 10% lang ng mga smuggled na sibuyas ang nakumpiska ng DA at Bureau of Customs (BOC) habang ang 90% ay naibenta na sa merkado sa napakataas na halaga.

Bunsod nito ay umaapela rin ang Makabayan Bloc kay Pangulong Bongbong Marcos na siyang tumatayong agriculture secretary na maglabas ng direktibang magpapahinto sa pagmanipula sa presyo ng sibuyas ng mga negosyante at smugglers.

Facebook Comments