Posibleng ‘midnight deal’ sa pagpapalawig ng Malampaya contract, ibinabala ng isang senador

Nagbabala si Committee on Energy Chairman Senador Win Gatchalian sa posibilidad na pagpasok ng gobyerno sa isang midnight deal kaugnay sa pagpapalawig sa service contract ng Malampaya project na magtatapos sa 2024.

Sinabi ito ni Gatchalian sa harap ng bentahan ng shares ng Shell Philippines Exploration (SPEX) na siyang operator ng Malampaya gas field project sa Malampaya Energy XP na nasa ilalim ng Udenna Corp. na pagmamay-ari ng negosyanteng si Dennis Uy.

Ikinabahala ni Gatchalian ang napabilis na negosasyon nang pumasok na sa eksena ang Udenna gayong ni wala raw nakuhang kasiguruhan ang Shell sa DOE mula pa noong 2016 kung palalawigin pa ang Malampaya o hindi na.


Para kay Gatchalian, nakakaalarma na nakikipagnegosasyon na ang Malampaya Energy sa gobyerno kahit hindi pa naisasapinal ang pagbili nito sa shares ng SPEX sa Malampaya.

Kinuwestyon din ni Gatchalian ang DOE sa pag-amin nitong nagkaroon ng “insufficient foundation for legal basis” noong nabili rin ng kompanya ni Uy ang 45% stake ng Chevron sa Malampaya.

Ayon kay Gatchalian, kung tuluyang maaprubahan ang pagbili ng Malampaya Energy sa 45% stake ng SPEX ay magiging 90% na ang stake ng Udenna sa Malampaya project.

Giit ni Gatchalian, dapat matiyak na ang operator ng Malampaya project ay qualified, may sapat na kakayahan at makapagbibigay ng kasiguruhan sa tuluy-tuloy na suplay ng gas sa mga planta.

Bunsod nito ay hiniling ni Gatchalian sa DOE na manaig ang integridad at due diligence upang hindi makompromiso ang suplay at presyo ng enerhiya sa bansa.

Facebook Comments