Ibinabala ni Senator Imee Marcos ang posibleng pagtaas pa ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa na maaaring umabot sa 4,000 kada araw.
Ayon kay Senator Marcos, ilang buwan na lamang ang hihintayin bago magkaroon ng bakuna sa Pilipinas.
Pero magiging matagal pa ito kung magpapatuloy ang paulit-ulit na backlog sa pagre-report ng mga resulta ng COVID-19 test na nagpapalabo lamang sa larawan ng kasalukuyang infection rate.
Sa ngayon, nanawagan si Senador Marcos na iwasan muna ang pagdaraos ng mga fiesta para mapigilan ang pagtaas ng posibleng tamaan ng sakit.
Samantala, kaugnay nito inamin naman ng Parochial Vicar sa Quiapo Church na lumabag sa health protocols ang Hijos del Nazareno matapos magwisik ng holy water sa mga debotong dumalo sa pista ng Itim na Nazareno nitong Sabado.
Paliwanag ni Fr. Douglas Badong, mali ang diskarteng ginawa ng simbahan dahil hindi ito ang nakalagay sa panuntunan.
Sa ngayon, sinuportahan ni Fr. Badong ang payo ng mga health expert na magself-quarantine ang mga deboto upang obserbahan kung may nararanasang sintomas ng COVID-19.