Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa posibilidad ng pag-angkat ng bigas sa Cambodia matapos ng pagtama ng sunod-sunod na bagyo na labis nakaapekto sa local rice production sa bansa at pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Natalakay ang usaping ito matapos makipagpulong si Marcos kay Cambodian Prime Minister Hun Manet sa sidelines ng 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Ayon kay Pangulong Marcos, umaasa siyang mas mapapatatag pa ang ugnayan ng dalawang bansa sa usapin ng seguridad sa pagkain, kalakalan at komersiyo, at people-to-people exchanges.
Matatandaang dahil sa business-to-business deals sa pagitan ng Khmer Foods company ng Cambodia at Filipino importers ay nakapag-angkat ang bansa ng 2,500 tons ng bigas nitong Mayo ngayong taon.
Sa usapin naman ng Civil Aviation Cooperation, nagkasundo ang magkabilang panig para sa pagpapalawak ng direct flights sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia kasunod na rin ng pagluluwag ng COVID restrictions.