Mindanao – Malaki ang posibilidad na may mangyayaring pag-atake ng ilan pang grupo ng terorista sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ito ay batay sa monitoring ng Armed Forces of the Philippines kasunod na rin ng pagkumpirma ni Pangulong Rodrigo duterte na may banta ng terorismo sa ilan pang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Marine Col. Edgard Arevalo, sa kabila na kinumpirma na ito ng Pangulo hindi pa nakakarating sa AFP kung anong intel agency ng pamahalaan nakuha ng Pangulo ang impormasyon.
Ang malinaw ngayon ay may mga namonitor silang nagpa-planong umatake sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ito aniya ay mula sa supporters at sympathizers ng Maute terrorist group.
Hindi naman tinukoy ni Arevalo kung anong mga partikular na lugar sa Mindanao ang target ng mga terorista.
Tinitiyak lamang aniya nila ngayon na handa ang AFP na tapusin na ng gulo sa Marawi City at protektahan ang buong bansa sa mga terorista.