Posibleng pag-imbestiga ng PNP at NBI kay Bikoy, welcome sa Palasyo

Welcome na ngayon ang Malacañang na imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI) si Peter Joemel “Bikoy” Advincula.

Si Advincula ay ang lalaking nasa “Ang Totoong Narcolist” video na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng iligal na droga.

Pahayag ito ng Palasyo matapos nilang sabihin noon na pag-aaksaya lamang ng government resources ang pag-iimbestiga kay Bikoy nang idawit noon ang pamilya ng Pangulo sa illegal drugs.


Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ngayong nagbago na ng tono si Bikoy ay mas mabuting hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon para ma-validate ang kanyang mga alegasyon na ang Liberal Party at si Senator Antonio Trillanes IV ang nasa likod ng naturang video.

Giit pa nito, dapat idaan sa sworn statement ang mga pahayag ni Bikoy at samahan ng matitibay na mga ebidensiya.

Malinaw kasi aniyang progapanda lamang ang mga pahayag noon ni Bikoy dahil kailanman ay hindi papasok sa operasyon ng iligal na droga ang pamilya ni Pangulong Duterte.

Facebook Comments