Iminungkahi ni Senador Imee Marcos na imbestigahan maging ang mga “bossing” sa trabaho ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.
Ayon kay Marcos na kaduda-duda ang pananatili sa serbisyo ni Nuezca sa kabila ng maraming kasong kinaharap nito noon.
Ipinagtataka rin ng senadora kung bakit nakakalusot ni Nuezca sa kabila ng hindi nito pagsunod sa mga patakarang legal ng Philippine National Police (PNP) gaya ng pagtanggi nitong sumalang sa drug test.
“Dapat hindi lang imbestigahan si Nuezca, kundi yung kanyang mga bossing, direct supervisor niya. Nakakaduda e, kasi nga pitong taon na sunod-sunod puro bad behavior. Sa loob ng isang taon, dalawang murder, pagkatapos non tumakbo agad from Paniqui? Sino bang bossing niya sa Rosales, Pangasinan. Aba’y marami talagang kaduda-dudang behavior. Ewan ko ba, nakakaduda na kung hitman ba yan ng kung sinong malakas,” ani Marcos.
Kasabay nito, binigyang-diin din ni Marcos ang pangangailangan na agad matingnan at marebisa ang PNP Reform and Reorganization Act.
“Kadami-daming mga civil defense, NAPOLCOM, mga kaso na admin sa DILG, ang dami-daming patakaran sa ay ganon din pala. May human rights watch din sila sa PNP e ang ending pala e palakasan din,” saad pa ng senador.
“Pero minsan, alam naman ninyo, sangkatutak yung batas natin dito sa Pilipinas e nasa enforcement na, nasa implementation. Sobra-sobra na nga yung batas, nagkakaumpugan na e hindi na mai-implement yung tama, e yun naman pala, wala namang may balak magpasunod sa batas, yun ang problema,” ang pahayag ni Marcos sa panayam ng RMN Manila.