Posibleng pagbabago sa tindig ni PBBM sa impeachment laban kay VP Sara, hindi itinanggi ng Malacañang

Hindi itinanggi ng Malacañang na nagbago ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa planong paghahain ng panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Noong nakaraang taon, sinabi ng Pangulo na ang impeachment laban sa Bise Presidente ay hindi makatutulong sa pag-usad ng bansa.

Ngunit ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro, maaaring hindi pa noon ganap na nakikita ng Pangulo ang lawak ng mga alegasyon ng korapsyon laban kay Duterte.

Sa kasalukuyan, malinaw aniya ang paninindigan ng Pangulo na kung may nagawang kasalanan, dapat managot.

Dagdag ni Castro, ang anumang imbestigasyon sa isasampang impeachment ay dapat dumaan sa tamang proseso at tratuhin tulad ng iba pang kaso, kabilang ang pag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects na nakabatay sa ebidensya at walang pinoprotektahan.

Facebook Comments