
Buo ang suporta ni Manila 3rd District Representative Joel Chua sa panawagan ng political coalition na 1Sambayan sa Supreme Court na mag-isyu ng status quo ante order upang mapigilan ang posibilidad na pagbotohan ngayong araw ng Senado na maibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sang-ayon din si Chua sa hiling ng 1Sambayan na magsagawa ang Korte Suprema ng oral arguments.
Ayon kay Chua, na isa sa mga miyembro ng House Prosecution Panel, sa pamamagitan ng oral arguments ay maipapaliwanag na mabuti ang masalimuot na legal na aspeto ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
Sabi ni Chua, daan din ito upang mailahad na mabuti ang buo at kumpletong detalye ng mga pangyayari hingil sa naging proseso ng impeachment kay VP sara.
Diin ni Chua, sa ganitong paraan ay mas malilinawan ang mga mahistrado ng Kataas-taasang hukuman.









