Masusing mino-monitor ng Department of Health (DOH) kung nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng COVID-19 na kumalat sa United Kingdom.
Kinumpirma rin ni Health Secretary Francisco Duque III na kasama na ang Amerika sa expanded travel ban na pinatutupad ng Pilipinas sa mga bansang may naitalang kaso ng bagong variant ng virus.
Nilinaw naman ng kalihim na temporary lamang ang pinatutupad na travel ban.
Ito ay habang nagsasagawa aniya ng assessment ang DOH sa sitwasyon at nagbabantay kung may nakapasok na sa bansa.
Tiniyak din ni Duque sa kanyang year-end report na lalo pang paiigtingin ng DOH ang kapasidad nito sa paglaban nito sa COVID-19.
Kabilang na rin dito ang pagsusulong na makapasok na sa bansa ang bakuna kontra COVID.
Aminado naman ang kalihim na marami silang naging sablay sa paghawak sa COVID cases pero normal lamang aniya ito dahil lahat ay nangapa sa bagong uri ng virus na kalaunan nga ay ideneklarang pandemya.
Ang mahalaga aniya ay marami silang natutunan sa mga pagkakamali at hindi sumuko ang medical frontliners sa paglaban sa COVID-19.
Labis na pinapurihan ni Duque ang mga frontliners na nagbuwis ng buhay gayundin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan atang pribadong sektor na nakipagtulugan sa DOH para sama-samang mapagtagumpayan ang laban sa virus.
Tiniyak din ni Duque na magpapatuloy siya sa kanyang trabaho sa harap ng mga panawagan na magbitiw na siya sa pwesto dahil sa sunud-sunod na eskandalong kinakarap ng DOH at maging ng attached agencies nito