Handa na ang Pilipinas sa posibilidad na palawigin pa ang sakop na edad ng COVID-19 vaccination sa bansa gamit ang Sinovac.
Ito’y kasunod ng anunsyo sa China na mayroong emergency use ang CoronaVac para sa mga batang nasa edad tatlo pataas.
Sa naging pahayag ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, maituturing na magandang balita kung talagang makikita na ang pag-aaral na may accuracy at sapat na basehan o ebidensya na mainam ang Sinovac para sa mga kabataan.
Aniya, hindi lamang ito maganda para sa Pilipinas, kundi para sa buong mundo na gumagamit ng bakuna ng Sinovac lalo na kung pati ang mga bata ay mababakunahan na.
Dagdag pa ni Vergeire, lagi naman bukas ang pamahalaan sa makabagong pamamaraan para mapalawig ang pagbabakuna.
Kapag nabuo na ang mga ebidensya o nakumpleto ang trial ng Sinovac para sa mga kabataan at magsumite sila sa Pilipinas ng revision ng kanilang EUA ay pag-aaralan itong mabuti ng mga eksperto.
Iginiit ni Vergeire na kung mapatunayan na ang CoronaVac ay ligtas at mapoprotektahan ang mga kabataan laban sa COVID-19, tiyak na sisimulan na ang pagbabakuna sa mga kabataan ating bansa.