Tiniyak ng Malacañang na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para tugunan ang ginagawang paglaban ng Department of Health at iba pang ahensya ng gobyerno sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Kasunod na rin ito ng biglang pagtaas ng nagpositibo sa COVID-19 sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nakausap na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Budget Secretary Wendel Avisado kung saan tiniyak niya na may sapat na pondo para sa DOH.
Bagama’t hindi nagpatupad ng lockdown sa Metro Manila kasunod ng deklarasyon ng State of Public Health Emergency, sinabi ni Panelo na igagalang ng Pangulo ang mga LGU kung magpatupad sila ng temporary lockdown.
Sa bisa ng Proclamation No. 922 na pinirmahan ni Pangulong Duterte, hinimok ang lahat ng mga governmental at non-governmental agency na magsanib-puwersa upang puksain ang banta ng pagkalat ng sakit.