Pinaghahanda ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co ang bansa sa posibleng pagtaas ng COVID-19 cases pagkatapos ng holiday season.
Ngayong may kumpirmadong kaso na ng Omicron variant na nakapasok sa bansa, dapat na bantayang mabuti ang bilang ng mga kaso sa mga susunod na linggo.
Babala ng kongresista, Delta o Omicron variant man ‘yan ay dapat na paghandaan ng pamahalaan lalo’t hindi maiiwasan ang public gatherings, parties at iba pang close contact ngayong Pasko at Bagong Taon bunsod na rin ng mas pinaluwag na community restrictions.
Dahil dito, pinababantayan ng kongresista ang mga kaso ng COVID-19 sa huling linggo ng Disyembre at sa Enero.
Pabor naman ang kongresista na panatilihin sa Alert Level 2 ang buong bansa hanggang sa Enero 15 pero dapat na sabayan ito ng pagpapalakas ng depensa at kapasidad ng mga ospital para sa posibleng pagdami ng Omicron o Delta variant mula sa isasagawang holiday activities.