Nababahala si Bayan Muna Partylist Representative Ferdinand Gaite sa posibleng pagtaas ng naitatalang kaso ng pag-atake sa mga aktibista kasabay ng pagbabalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng Metro Manila at ilan pang nalalapit na lalawigan.
Ayon kay Gaite, tila bumalik na sa dating gawi ang mga responsable sa pangyayari matapos masiwalat ang modus ng mga ito na pagsasagawa ng madugong operasyon at pekeng paghahanap ng mga armas.
Tulad din kasi aniya noong nakaraang taon na kasagsagan ng lockdown, sinamantala nila ito upang i-harass ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan.
Nanawagan naman ng hustisya si Bayan Muna party-list Representative Eufemia Cullamat para sa pagkamatay ni Dandy Miguel, ang Vice Chairperson ng Pamantik Kilusang Mayo Uno at Lider ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric na binaril sa Laguna nitong Linggo.
Sa ngayon maliban kina Gaite at Cullamat, nagpahayag na rin ng pagkondena ang Commission on Human Rights (CHR) sa pagkasawi ni Miguel at nanawagang itigil na ang karahasan laban sa mga lider ng Unyon at mga aktibista.
Samantala, pag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) kung ibibigay sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng labor leader na si Dandy Miguel.
Paliwanag kasi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, isasagawa muna ang preliminary assessment at kung makitang may kinalaman ang trabaho ni Miguel sa kaniyang pagkamatay ay papahintulutan nang pumasok ang AO 35 Committee sa kaso.
Ang AO 35 Task Force ay responsable sa mga extrajudicial killings tulad ng kaso ng pagkamatay ng siyam na aktibista sa police operations sa Calabarzon noong March 7 at ang pagpatay sa aktibistang si Randall Echanis at Zara Alvarez noong nakaraang taon.