Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution number 509 na humihiling ng imbestigasyon sa posibleng sabwatan ng mga opisyal ng gobyerno, sinumang indibidwal, o mga grupo sa Pilipinas sa mga kumpanya sa Tsina para magtayo ng artificial islands sa West Philippine Sea.
Ayon kay Hontivereos, batay sa listahan na inilabas ng Estados Unidos ay may mga Pilipinong kompanya ang kasosyo sa negosyo ng isang Chinese corporation na kasama sa nag-dredging at nagtayo ng military islands sa bahagi ng West Philippine Sea na inaangkin ng China.
Nagtataka si Hontiveros kung bakit hindi alam ng Executive na ang mga kumpanyang ito pala ay involved din sa paninira at pag-angkin ng China sa ating mga teritoryo.
Diin ni Hontiveros, mahalagang magkaroon ng imbestigasyon upang matukoy kung totoo ang sabwatan at kung may dapat managot sa pagpapabayang ito.
Muli, iginiit ni Hontiveros na kailangan ding magbayad ng Tsina ng mahigit 33 billion pesos para sa annual damage na ginawa nito sa ating karagatan at likas-yaman.