
Nirerespeto ni House Infrastructure Committee Co-Chairman Rep. Terry Ridon ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr na italaga si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang Special Adviser ng Independent Commission on Infrastructure o ICI.
Gayunpaman, iginiit ni Ridon na silipin kung may pangangailangan na mag-inhibit si Magalong sa imbestigasyon ng ICI upang maiwasan ang maagap na paghusga kaugnay sa ikakasang pagsisiyasat ukol sa maanumalyang flood control projects.
Katuwiran ni Ridon, ito ay dahil sa mga naging pahayag ni Magalong sa publiko ukol sa umano’y kapalpakan at korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura partikular sa mga proyektong tugon sa pagbaha.
Samantala, welcome naman kay Ridon ang pagkasama sa ICI nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at dating SGV Chairperson Rossana Fajardo.
Tiwala si Ridon sa integridad at kakayahan nina Singson at Fajardo na gampanan ang tungkulin nito sa ICI upang mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian at upang makapaglatag ng nararapat na reporma sa public works.









