POSIBLENG PELIGRO SA ILANG IMPRASTRAKTURA SA BAYAMBANG, SINURI

Nagsagawa ng inspeksyon ang lokal na pamahalaan ng Bayambang sa ilang imprastruktura sa bayan upang matukoy at maagapan ang mga posibleng panganib na maaaring magdulot ng abala o banta sa kaligtasan ng mga residente.

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Municipal Engineering Office ang magkakaugnay na assessment at on-site interventions na nakatuon sa mga isyung may kinalaman sa mga naturang imprastruktura at kapaligiran.

Kabilang sa mga sinuri ang Wawa Evacuation Center Access Road, kung saan inalis at inayos ang mga nakalaylay at hindi na aktibong cable wire. Itinaas at inayos din ang mga live wire upang matiyak ang ligtas na daanan, lalo na sa panahon ng emerhensiya.

Sa Barangay Tampog, tinutukan ang isang poste ng telecommunication company na itinuturing na hadlang sa planong development ng barangay. Nagtakda ang lokal na pamahalaan ng malinaw na panahon para sa paglipat ng poste at pinatibay ang koordinasyon sa service provider upang maisagawa ang kinakailangang aksyon.

Sinailalim din sa masusing inspeksyon ang lumang gusali ng Bayambang Central School matapos matukoy ang isang punong nakahilig na maaaring magdulot ng pinsala sa isang silid-aralan.

Patuloy umanong ang pagsasagawa ng mga kahalintulad na inspeksyon ang lokal na pamahalaan sa iba pang lugar sa bayan bilang hakbang sa pagpapanatili ng kaligtasan at kahandaan ng mga residente.

Facebook Comments