Magbabantay sa mga eskwelahan ang Isandaan at Dalawampung libong mga Pulis kasabay ng pagsisimula ng klase sa Hunyo a- Tres.
Siniguro ito ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde bilang pagsuporta ng Philippine National Police sa Department of Education o DepEd kasabay ng pag-arangkada ng Oplan Balik Eskuwela.
Aniya, itatalaga ang mga Pulis sa paligid ng mga Paaralan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga Help Desks upang tumututok sa pagtugon sa mga sumbong, reklamo at iba pang hinaing na ilalapit ng mga magulang.
Bukod sa Anti-Criminality at Illegal Drugs, sinabi naman ni P/MGen. Benigno Durana Jr, pinuno ng PNP DPCR o Directorate for Police Community Relations na mahigpit din nilang tututukan ang Peace and Security sa paligid ng mga Paaralan.
Partikular na aniya ito sa mga lugar na mataas ang antas ng Karahasan at kung saan marami ang presensya ng mga Bandido at terorista na posibleng maghasik ng kaguluhan.