Posibleng sa buwan ng Agosto na buksan ang school year 2020-2021 para sa elementary at high school level

Kasunod ito ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon kung saan kasamang naapektuhan ang pasok ng mga guro at estudyante.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, nakabatay ito sa ginawa nilang konsultasyon sa kanilang mga stakeholders sa buong bansa.

Hinihingi rin kasi aniya ng batas na magsimula ang klase sa pagitan ng Hunyo hanggang huling araw ng Agosto.


Nilinaw naman ni Briones na nakadepende pa rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) at sa magiging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang petsa pagbubukas ng klase.

Kasabay nito, tiniyak ni Education Undesecretary Annalyn Sevilla ang financial assistance sa mga guro ngayong umiiral ang ECQ dahil sa COVID-19.

Sa Laging Handa Public Press Briefing sinabi ni Undesecretary Sevilla na naibigay na ang sweldo ng mga guro para sa buwan ng Marso at Abril habang pinoproseso na rin ang kanilang sweldo para naman sa buwan ng Mayo.

Hindi na rin aniya kailangang alalahanin ng mga guro ang kanilang mga pending loan payments dahil inaayos na ang DepEd ang extension ng bayarin.

Facebook Comments