Sinisilip na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibleng security breach na nangyari sa kaso ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na nahuli sa CCTV na minamaltrato ang kanyang staff member sa loob ng kanyang bahay.
Ayon kay DFA Executive Director for Strategic Communications Ivy Banzon Abalos, bahagi ng kanilang iniimbestigahan ang seguridad at admin issues sa embahada.
Patuloy pa ring pinag-aaralan sa kung aling opisina ang hahawak at didinig ng kaso ni Mauro.
Isang fact finding team na pinamumunuan ng isang ambassador-ranked official ang kasalukuyang binubuo para imbestigahan ang insidente ng pagmamaltrato.
Bukod sa alegasyon ng physical abuse laban kay Mauro, sisilipin din ng investigating panel ng DFA kung paano nakakuha ang Brazilian Media na Globo News ng kopya ng internal CCTV footage sa official residence ni Mauro.
Si Mauro ay nakatakdang umuwi sa Pilipinas sa susunod na linggo matapos ipatawag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.