Kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ifo-forward nila sa Food and Drug Administration (FDA) ang report na ang AstraZeneca vaccine ang naging dahilan ng bloodclot sa ilang naturukan nito sa Europe.
Ayon kay Vergeire, maglalabas ng desisyon ang FDA hinggil sa kung isususpinde ang rollout sa AstraZeneca vaccines.
Una nang naglabas ng report ang European Medicines Agency (EMA) na nagsasabing may kaugnayan sa AstraZeneca vaccine ang nangyaring bloodclot sa utak ng ilang naturukan nito sa Europe.
Tiniyak naman ng EMA na nagpapatuloy pa rin ang kanilang malawak na pag-aaral dito at ilalabas nila ang kanilang findings ngayong linggong ito.
Samantala, nanindigan naman si Vergeire na wala pa ring pag-aaral na magsasabi kung gaano katagal ang proteksyon na maibibigay ng COVID vaccines sa mga nabakunahan nito.