Posibleng tax liabilities ng Pharmally, bubungkalin ng Senado

Kakalkalin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang posibleng kabiguan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na magbayad ng tamang buwis.

Ang Pharmally ang kompanyang nakakuha ng 10 bilyong pisong kontrata sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng pamumuno ni dating Undersecretary Lloyd Christopher Lao.

Ayon kay Drilon, 625,000 pesos lamang ang kapital ng Pharmally kaya nakakapagtaka kung paano ito kumita ng mahigit 7 billion pesos.


Paliwanag ni Drilon, sa ilalim ng bayanihan 1 and 2 ay hindi exempted sa Value Added Tax (VAT) ang mga medical supplies kaya dapat ay nagbayad ang Pharmally ng 2% withholding tax sa government payments at 5% sa VAT withholding.

Giit ni Drilon, bukod sa isyu ng overpricing, ay dapat suriin din kung nagbayad ang Pharmally ng percentage tax, excise tax at documentary stamp tax.

Diin pa ni Drilon, dapat may tax clearance ang Pharmally mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para makwalipika ito sa government bidding.

Kaugnay nito ay kinakalampag din ni Drilon ang BIR para isailalim sa tax audit ang Pharmally.

Facebook Comments