Posisyon ng Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC, nais linawin ng DOJ sa pamahalaan

Lilinawin ng Department of Justice (DOJ) ang tunay na posisyon ng gobyerno ng Pilipinas sa pagiging miyembro nito sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa inihaing na resolusyon ng mga kongresista na humihimok sa pamahalaan na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa press briefing ngayong hapon, sinabi ni Remulla na makikipagpulong siya kay Executive Secretary Lucas Bersamin bukas, upang makatiyak kung na nasa parehong posisyon ang DOJ at ang pamahalaan sa usaping ito.


Malinaw naman kasi aniya na hindi na kasapi ng ICC ang Pilipinas kaya wala nang dahilan upang makiisa ang Pilipinas sa anumang imbestigasyon ng ICC.

Nais malaman ng kalihim kay Bersamin kung may balak ba ang Pilipinas na muling maging miyembro ng ICC at kung paano ito nakakaapekto sa ICC at ng gobyerno ng Pilipinas sa kasalukuyan.

Dagdag pa ni Remulla, susuriin niya ang records, argumento, at diskusyon na naganap sa Kamara upang maunawaan ang hakbang ng ilang kongresista.

Mas maraming katanungan kasi ang nabubuo sa isinusulong na resolusyon, tulad ng magpapamiyembro ba uli ang Pilipinas sa ICC, gayong kumalas na ang bansa sa hurisdiksiyon nito.

Facebook Comments