Posisyon ni PBBM sa impeachment laban kay VP Sara, hindi nabago matapos ang Nationwide Rally for Peace ng INC

Nagsalita na ang Malacañang matapos ang ikinasang Nationwide Rally for Peace ng Iglesia ni Cristo (INC) kahapon.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, hindi nagbago ang posisyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kaugnay sa mga nilulutong impeachment sa Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.

Dati nang sinabi ni Pangulong Marcos na aksaya lamang sa oras ang impeachment lalo na’t hindi naman aniya ito makatutulong sa buhay ng mga Pilipino.


Mauubos lamang aniya ang oras ng Kongreso rito at wala namang makukuhang benepisyo para gumanda ang buhay ng bawat isang kababayan natin.

Sa ngayon, nasa tatlo na ang impeachment na nakahain sa Kamara laban kay VP Sara na may kaugnayan sa paggamit ng kaniyang tanggapan ng confidential funds.

Kahapon sa isinagawang rally ng Iglesia ni Cristo, nasa 1.5 million na miyembro ang nagtungo sa Quirino Grandstand kung saan ipinahayag nila ang pagtutol sa impeachment at ipinanawagan na tutukan ang ibang problema ng bansa.

Facebook Comments