Manila, Philippines – Nagtipon-tipon ang mga tagasuporta ni VP Leni Robredo, para sa isang multi-sectoral mass sa St. Scholastica Chapel alas sais y medya ng umaga.
Kasabay ito ng ballot recount para sa 2016 VP race sa Korte Suprema ngayong araw.
Bunsod ng electoral protest na inihain ng nakalaban nya sa VP race na si dating Senador BongBong Marcos.
Kabilang sa mga dumalo sa misa sina VP Leni Robredo, legal counsel na si Atty. Romy Macalintal at mga miyembro ng Kaya Natin Movement for Good Governance and Ethical Leadership na siyang nag-organisa ng misa.
Positibo ang kampo ni VP Leni Robredo na mapapatunayan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na walang dayaang nangyari noong 2016 elections at si VP Leni talaga ang lehitimong nanalo sa pagka-bise presidente.
Sa speech ni VP Leni sa misa, sinabi niya sa mga tagasuporta huwag matakot, huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na makipaglaban sa kabila ng lahat ng paghihirap at kontrobersiyang ibinabato sa kanila.
Iginiit rin ni VP Leni na ang katotohanan ang mananaig sa huli
at patutunayan umano yan ng magiging resulta ng recount.
5,418 ballot boxes mula Camarines Sur, Iloilo, and Negros Oriental ang kabilang sa ballot recount.
Matapos ang misa ay tutungo ang legal team ni VP Robredo sa SC para saksihan ang ballot recount.