Manila, Philippines – Ikinatuwa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang credit rating upgrade ng Fitch makaraang itaas ang long term foreign currency rating ng bansa sa “BBB” mula sa minimum investment grade na “BBB negative“.
Ayon kay BSP Governor Nestor Espenilla Jr., ang credit rating upgrade ay pagkilala sa positibong pagbabago sa bansa.
Aniya, ang productive capacity ng ekonomiya ng bansa ay lumalaki at posibleng magbigay daan sa mas malaki at tuloy-tuloy na Gross Domestic Product (GDP).
Mababa at matatag din aniya ang inflation habang ang balance of payments ay nananatiling manageable at ito ay inaasahan nilang magpapatuloy.
Tiniyak naman ni Espenilla na patuloy nilang tututukan ang kanilang mandato na panatilihin ang matatatag na presyo at pinansyal na kalagayan ng bansa.