Nananatiling mahalagang barometro ang positivity rate sa pagtukoy ng totoong kalagayan ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang iginiit ni OCTA Research fellow Dr. Guido David makaraang sabihin ni Department of Health Epidemiology Bureau Director Alethea de Guzman na hindi na tamang panukat ng aktwal na sitwasyon ng COVID-19 ang positivity rate.
Sabi ni David, hindi naman maaaring gawing basehan ang iniuulat ng DOH na arawang kaso ng virus dahil hindi naman lahat ay nagpapa-test.
Aniya, mahalaga ang positivity rate para makita kung pababa o pataas ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Sige, sabihin natin kahapon 900, alam natin underreported yan dahil konti na lang ang nagpapa-test, ‘yun ang rationale dun. Pero ang sinasabi naman namin, yung positivity rate dahil porsiyento siya, ang isipin natin parang nag-survey tayo. Kunwari, kami nag-conduct kami ng nationwide survey, hindi naman kami nagtanong sa 50 million Filipinos, nagtanong lang kami sa 1,200. Pero kung nakuha natin yung porsiyento, it’s a rate. Ganon din ang positivity rate. So kung tumataas ang porsiyento ng nagpa-positive, it means dumadami ang nahahawaan, so yun yung logic no’n,” paliwanag ni David sa interview ng RMN DZXL 558.
Dagdag pa ni David, kung makikita ang trend ng COVID-19 ay magsisilbi itong gabay sa publiko para mag-ingat at maiwasan ang posibleng pagka-ospital o pagkamatay dahil sa virus.