POSO MANGALDAN, NANANATILI SA HIGHTENED ALERT STATUS PARA SA PAGSAPIT NG BAGONG TAON

Nananatili sa heightened alert status ang operasyon ng mga awtoridad sa bayan ng Mangaldan bilang paghahanda sa nalalapit na pagsapit ng bagong taon, kahit pa naging matiwasay ang mga naitalang aktibidad noong kapaskuhan.

Ayon sa Public Order and Safety Office (POSO) Mangaldan, ang patuloy na pagbabantay ay alinsunod sa direktiba ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng publiko.

Bukod sa mahigpit na pagbabantay sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada, tutok din ang ahensya sa pagpapanatili ng kaayusan sa pamilihang bayan ng Mangaldan, lalo na sa pagdami ng mga ambulant vendor ngayong holiday season.

Kaugnay nito, naglabas ng ilang paalala ang lokal na pamahalaan para sa pagsalubong ng bagong taon katuwang ang Bureau of Fire Protection at Department of Health.

Ayon sa BFP, sa ilalim ng Oplan Paalala Iwas Paputok, mas mainam na iwasan ang paggamit ng malalakas at delikadong paputok at gumamit na lamang ng mga ligtas na alternatibo tulad ng pito.

Samantala, nagpaalala rin ang DOH ukol sa tamang first aid sa mga posibleng biktima ng paputok, kabilang ang agarang paglilinis at pagtatakip ng sugat, pag-iwas sa pagkalikot sa naputukan sa mata, at agarang pagdadala sa ospital ng mga nakalanghap o nakalunok ng kemikal mula sa paputok. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments