Marami sa mga Pangasinense ang nakararanas ng pagod at kawalan ng gana sa trabaho o pag-aaral kahit kakasimula pa lamang ng linggo matapos ang bakasyon.
Ayon sa mga wellness advocates, normal ang ganitong pakiramdam na tinatawag na “post-holiday blues,” at may mga simpleng paraan upang ito ay maibsan.
Isa sa mga pangunahing payo ay ang dahan-dahang pagbabalik sa pang-araw-araw na routine.
Inirerekomenda rin ang pagpaplano ng maliliit na bagay na aabangan, tulad ng panonood ng pelikula, pagkain ng paboritong ulam, o pakikipag-bonding sa pamilya at mga kaibigan, upang magkaroon ng positibong motibasyon sa bawat araw.
Mahalaga rin ang sapat at maayos na tulog. Hinihikayat din ang publiko na igalaw ang katawan sa pamamagitan ng simpleng ehersisyo gaya ng paglalakad, stretching, o pagsasayaw sa bahay, na napatunayang epektibo sa pagpapabuti ng mood at sigla.
Ayon sa Department of Health, halos 1,000 Pilipino ang tumawag sa Mental Health Hotline noong holiday season.
Dagdag pa rito, maaaring ang pagtaas ng mga tawag ay sumasalamin sa matinding stress at personal na hamon na karaniwang nararanasan ng ilan tuwing kapaskuhan at bagong taon.
Hinimok ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag sa kalusugang pangkaisipan at huwag mag-atubiling humingi ng propesyonal na tulong.










