Hindi natuloy ang post – State of the Nation Address (SONA) presscon na inorganisa ng Office of the Presidential Spokesperson ngayong araw.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, marami kasing personnel ng Radio Television Malacanang (RTVM) ang under monitoring matapos malantad sa COVID positive nilang mga kasamahan.
Dahil sa technical failure, minarapat na lamang iusog ang post-SONA briefing sa Huwebes kung saan haharap ang gabinete at kalihim ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan para idetalye ng husto ang recovery plan ng Duterte Administration.
Samantala, sinabi ni RTVM Director Demic Pabalan na ang mga personnel nilang nalantad ay binabantayan ngayon sa mga posibleng sintomas at naka-schedule ng Polymerase Chain Reaction (PCR) swabbing sa mga susunod na araw.
Mayroon kasing dalawang COVID positive sa kanilang personnel sa PCR-swab test at dalawa rin sa rapid test kung kaya’t nasa 100 nilang personnel sa RTVM ang under monitoring.
Nabatid na simula ngayong araw, naka-shutdown muna ang tanggapan ng RTVM para sa decontamination procedure at habang nagpapatuloy ang kanilang contact tracing at muli itong bubuksan sa Agosto 11, 2020.
Giit ni Roque, tuloy pa rin ang kanilang susunod na press briefing sa Huwebes sa new executive building, sa katwirang wala naman sa kaniyang opisina ang nagpositibo sa COVID-19, bagaman sa kalapit opisina nitong Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay mayroong 22 naitalang aktibong kaso.
Aminado si Roque na mahirap ang sitwasyon nila, pero kailangan pa rin aniyang gampanan nila ang tungkulin na ipabatid sa taumbayan ang mga impormasyong nagmumula sa pamahalaan at kay Pangulong Rodrigo Duterte.