Tila hindi alam o nakikinig ang ilang kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa lungsod ng Maynila.
Nabatid na nagkalat ang mga tarpaulin at poster ng ilang mga pasaway na kandidato sa ipinagbabawal na lugar.
Ilan sa mga ito ay makikita sa mga kawad ng kuryente, poste ng ilaw, maging sa poste at ilalim ng LRT-1 at 2 stations.
Matatandaan na ang mga nasabing lugar ay ipinagbabawal na lagyan o dikitan ng mga posters at tarpaulin ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Kaugnay nito, inihayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia na kanilang tatanggalin ang mga poster at tarpaulin sa mga ipinagbabawal na lugar sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Pero bago ito, kukunan muna ng COMELEC ng litrato ang mga ito bilang ebidensiya laban sa kandidato.
Nanawagan rin ang COMELEC sa publiko, na tumulong at i-report ang mga pasaway na kandidato ngayong panahon ng kampaniya.