Hiniling ni Senator Francis Tolentino sa Commission on Elections (COMELEC) na ipagpaliban ang naka-schedule na paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Hulyo ng mga kakandidato para sa Barangay at SK Elections (BSKE).
Apela ni Tolentino, ilipat ang petsa ng paghahain ng COC ng mga tatakbo sa pambarangay na halalan sa Agosto at huwag sa Hulyo dahil napakaaaga nito.
Paliwanag ni Tolentino, kung maagang gagawin ang paghahain ng kandidatura bago ang nakatakdang BSKE sa Oktubre, magiging mabigat na problema ito sa mga LGU dahil maaga ring ipapatupad ang mga paghihigpit sa eleksyon na nakapaloob at dapat na sundin sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Mapapaaga at mapapahaba rin ang panahon ng mga election ban na ipapatupad tulad ng employment ban, construction ban, gun ban at iba pa.
Mangangahulugan din aniya ito sa Philippine National Police (PNP) ng dagdag na gastos dahil mas mapapatagal ang pagtatalaga ng security checkpoints.
Dagdag pa ng senador, tama at nararapat lamang na i-adjust ang time frame ng paghahain ng COC lalo’t Oktubre pa naman ang BSKE at ang prescribed campaign period sa paghahalal ng barangay at youth leaders ay tatagal lamang ng sampung araw.