Poultry at hog raisers, umaaray sa ipinatupad na price cap sa baboy at manok

Umaaray ngayon ang mga pork producer at poultry raiser kasunod ng ipinatupad na price cap sa mga karneng baboy at manok.

Matatandaang kahapon nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 124 na nagtatakda ng presyo ng baboy sa P270 hanggang P300 kada kilo at P160 sa manok sa Metro Manila sa loob ng 60 araw.

Ayon kay Pork Producers Federation of the Philippines Vice President Nicanor Briones – tiyak na malulugi ang mga retailer dahil sa price cap.


Dahil dito, duda siyang mahihikayat pa ng pamahalaan ang mga hog raiser sa Visayas at Mindanao na magdala ng suplay ng baboy sa Luzon.

Bagama’t kaluwagan ang price ceiling sa mga konsyumer, parusa naman ito sa mga producer.

Ayon naman kay Gregorio San Diego, Chairperson ng United Broilers and Raisers Association, dahil all-time high ang presyo ngayon ng sisiw na aabot sa P50 kada isa, marami ang posibleng tumigil na muna sa pag-aalaga.

Itinanggi naman ni Agriculture Secretary William Dar na nagkulang sila sa konsultasyon bago nagrekomenda ng presyo kay Pangulong Duterte.

“Hindi po totoo yan, meron kaming grupo na iniimbitahan, ayaw nilang lumapit, ewan ko nga anong rason. The consultation is there. Kami ay open at continuous ang dialogue. Dapat magprisinta sila ng cost structure at meron kami rin. We have to compare notes,” ani Dar.

Samantala, umaasa ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na susuportahan ng DA ang mga hog at poultry raiser sa Visayas at Mindanao sa pagbiyahe ng mga baboy at manok sa Metro Manila.

“Dun sa hearing naman ng Senado, nag-agree si Secretary William Dar na magbibigay ng transport cost na additional P30 para bumaba yung papunta sa Metro Manila. So, we hope lang na yung pangako ni secretary matutupad kasi kung hindi, mawawalan ng stock ang Metro Manila.”

Facebook Comments