Power distributors, dapat maging maluwag sa disconnection policy

Umapela sina Senators Win Gatchalian at Christopher “Bong” Go sa mga power distributors na bigyan ng konsiderasyon at isaalang-alang ang mga hindi pa rin nakakabayad ng balanse sa kanilang konsumo bago ipatupad ang pagpuputol ng kuryente.

Nauna nang nanawagan si Gatchalian sa mga distribution utilities, kasama na ang Manila Electric Company (Meralco), na palawigin pa ang kanilang no-disconnection policy sa mga tinaguriang “low-income consumers” o ang mga kumokonsumo ng 200 kilowatt-hour (kWh) o mas mababa pa kada buwan.

Apela pa ni Gatchalian sa nasabing mga kompanya, gawing case-to-case ang pagbibigay konsiderasyon sa mga konsyumer lalo na ang mga senior citizens, may kapansanan, mga nawalan ng trabaho at ang mga nagsarang maliliit na negosyo.


Giit naman ni Go, huwag pahirapan ang karaniwang tao na wala talagang pambayad dahil walang kabuhayan ngayon at kaawa-awa naman kung wala na nga silang makain ay mapuputulan pa ng kuryente.

Hiling ni Go, kaunting puso naman at magmalasakit sana sa kapwa sa panahon kung kailan naghihirap ang ating mga kababayan.

Facebook Comments