Power interruption sa Samal Island, pinasisilip na rin ng Senado

Pinaiimbestigahan na rin ni Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo ang power crisis na nararanasan ngayon sa Samal Island.

Sa Miyerkules, May 24, tatalakayin ng komite ang power interruptions sa Samal Island na ngayon ay nasa ilalim ng ‘state of calamity’ dahil sa sunud-sunod na brownout sa lugar na tumatagal ng pito hanggang walong oras kapag “peak load” at dalawa hanggang tatlong oras kapag “off-peak”.

Ipapatawag sa imbestigasyon ang Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) na siyang itinuturong responsable sa energy crisis sa isla dahil sa sobrang kalumaan ng mga pasilidad na hanggang ngayon ay hindi pa napapalitan.


Bukod dito, hindi rin umano napaghandaan ng NORDECO ang pagtaas ng tourists arrivals mula nang makilala ang turismo ng Samal na siyang naging dahilan sa pagtaas naman ng demand sa kuryente at kakulangan ng suplay.

Layunin ng imbestigasyon na masigurong tuluy-tuloy ang suplay ng kuryente sa isla, mahanapan ng pangmatagalang solusyon ang madalas na power outages at papanagutin ang may kapabayaan sa madalas na brownout sa lugar.

Lubos naman ang pagkadismaya ni Tulfo dahil magkakasunod na ang energy crisis sa maraming lalawigan kung saan una ang Occidental Mindoro, sinundan ng Panay Island at ngayon naman ang Samal Island.

Facebook Comments