Manila, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at iba pang stakeholders dahil sa pagkakaroon ng major power interruption sa ilang parte ng Mindanao kahapon ng umaga.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi nais nilang malaman ang sanhi ng partial blackout sa halos buong Mindanao region kahapon nang sa gayon ay hindi na ito maulit pang muli.
Sa report ng NGCP nagkaroon ng partial blackout sa Lanao del Norte, Lanao del Sur, Zamboanga Peninsula, ilang bahagi ng Butuan City, Cagayan de Oro, General Santos at Davao City.
Itinuturong dahilan ng NGCP ay ang “intentional toppling” sa pagitan ng Baloi-Agus 2 138kV transmission line dahilan upang isailalim ng NGCP sa red alert status ang buong Mindanao Grid.
Samantala, kahapon ng alas dos ng hapon idineklara na ng NGCP na nasa normal status ang Mindanao grid.
Kasunod nito tinitiyak ng DOE na mino-momitor nila ang sitwasyon sa Mindanao at agad magbibigay ng update kapag nakapagpaliwanag na sa kanila ang NGCP at ilang stakeholders.