POWER OPERATORS: BAGONG POWER COMPANY DAGDAG- GASTOS PARA SA MGA ILONGGO

‘Di malayong sasagutin ng mga Ilonggo ang gastos para sa pagpapatayo ng mga bagong pasilidad para sa distribusyon ng kuryente kung itutuloy ng Kamara ang pagbibigay ng prangkisa sa More Minerals Corporation (MMC). Iyan ay ayon sa isang sulat ni Atty. Ranulfo M. Ocampo, Presidente ng Private Electric Power Operators Association (PEPOA).

Ayon kay Ocampo, bukod sa walang karanasan, wala ring anumang pasilidad na nakatayo ang MMC sa Iloilo. Dahil dito, “di maiiwasang magreresulta ito sa mas mataas na singil sa kuryente.”

Hindi rin basta-basta makukuha ng MMC ang mga pasilidad ng Panay Electric Company (PECO) dahil may karapatan ang PECO na iakyat sa korte ang nasabing isyu. Dagdag pa ni Ocampo, hindi rin sapat na basehan ang mga reklamo ng customer ng PECO sa desisyon ng Kamara na tanggihan ang pag-renew ng franchise ng nasabing kumpanya dahil siyamnapu’t limang (95) kaso lamang ang nakasampang reklamo sa ERC. Maliit na bilang ito kumpara animnapung libong (60,000) customer ng PECO.


Sinabi rin ng PEPOA na nasa Top 15% ang PECO sa 146 na mga electric distribution utility sa buong bansa.

Nananawagan si Ocampo sa Kongreso na magsagawa ng isang patas na pagdinig para sa ikabubuti ng mamamayan ng Iloilo. “Kung mabibigyan ng prangkisa ang MMC, tiyak na magbubunga ito sa isang power crisis,” ani Ocampo.

Facebook Comments