Power outages sa susunod na taon, ibinabala ng NAPOCOR dahil sa kapos na pondo

Nagbabala ang National Power Corporation (NAPOCOR) ng posibleng power outages kung hindi matataasan ang pondo nito para sa susunod na taon.

Sa budget hearing ng Senado noong Biyernes, sinabi ni Jenalyn Tinonas ng Financial Planning, Budget, and Program Review Division ng NAPOCOR na P32.3 billion lamang ang matatanggap nitong pondo sa 2023.

Mas mababa ito ng P12.5 billion sa halaga na hiniling nila sa Department of Budget and Management.


Aniya, posibleng magkaroon ng shutdown ng 278 mga planta ng kuryente sa katapusan ng 2023 dahil sakop lamang ng pondo para sa diesel fuel ang operasyon ng mga ito mula Enero hanggang Hulyo.

Maipagpapaliban din ang nakatakdang paghahatid ng kuryente sa mga lugar na hindi pa naseserbisyuhan at apektado nito ang 15 lugar sa Luzon, 14 sa Visayas at 15 sa Mindanao.

Sabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian, nasa 1.3 milyong mga bahay ang maaapektuhan kung mangyayari ang babalang ng power outages ng NAPOCOR.

Facebook Comments