Cauayan City, Isabela- Malapit nang maibalik sa 100 porsiyento ang supply ng kuryente sa nasasakupan ng Isabela II Electric Cooperative (ISELCO).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay General Manager Dave Siquian ng ISELCO II at Chairman ng Philippine Federation of Electric Cooperative (PHILFECO), nasa 99.92 percent household na ang na-restored sa kanilang nasasakupan.
Inabot aniya ng anim (6) na araw bago unti-unting napailawan ang mga kabahayan sa nasasakupan nito matapos masira ang mga poste ng kuryente dulot ng nangyaring malawakang pagbaha.
Ayon pa kay Siquian, matindi ang iniwang pinsala ng pagbaha sa Lalawigan na dahilan ng pagkasira ng ilang mga poste na nagdudugtong ng kuryente sa mga munisipalidad.
Natagalan aniya sa pagpapabalik ng kuryente sa ilang mga lugar dahil kinakailangan pang hintayin na humupa ang tubig lalo sa mga lugar na walang tulay upang maitawid ang mga gagamitin sa power restoration.
Batay sa kanyang pagtaya, aabot na sa P14 milyon ang kanilang nagastos para sa mga materyales na ginamit sa pag-aayos sa mga nasirang poste at kuryente.
Bagamat malaki aniya itong kawalan sa kanilang kooperatiba subalit nagpapasalamat pa rin ito sa National Electrification Administration (NEA) dahil sasagutin na nito ang mga nagastos ng ISELCO II.