POWER RESTORATION SA DAGUPAN CITY, TINUTUTUKAN SA LIGTAS NA PARAAN

Patuloy na nagsasagawa ng malawakang power restoration ang Dagupan Electric Corporation (DECORP) matapos ang matinding pinsala sa mga pangunahing linya ng kuryente na dulot ng malakas na hangin at ulan kamakailan.

Sa opisyal na pahayag ng kompanya, kinumpirma ng DECORP na nasa proseso pa rin ng pagkukumpuni ang kanilang mga primary lines at main power sources. Ayon sa kanila, ang ilang lateral connections at mga panloob na bahagi ng mga barangay ay nananatiling walang suplay ng kuryente habang isinasagawa ang masusing pagsusuri upang matiyak na ligtas ang muling pagpapadaloy ng kuryente.

Ayon pa sa ulat, walang tigil sa trabaho ang mga crew ng DECORP sa iba’t ibang lugar, nagsasagawa ng paglilinis at pag-aayos ng mga sira at bumagsak na transformer, poste, kawad, at mga punong nagbara sa mga linya ng kuryente.

Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat ang DECORP sa mga Local Government Units (LGUs) at mga opisyal ng barangay na patuloy na tumutulong sa kanilang clearing at restoration operations.

Bagaman walang tiyak na petsa kung kailan ganap na maibabalik ang suplay ng kuryente sa lahat ng lugar, tiniyak ng DECORP na patuloy ang kanilang dedikasyon na maisagawa ito sa pinakaligtas at pinakaepektibong paraan.

Hinimok din ng kumpanya ang mga residente na iwasan ang paglapit sa mga bumagsak o nagliliyab na kable ng kuryente at agad itong ireport sa kani-kanilang barangay o sa opisina ng DECORP upang maagapan ang posibleng panganib.

Sa kabila ng mga hamon, nananatiling positibo ang kompanya na muling maibabalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong komunidad sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments