Hiniling nina Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Party-list Rep. Sergio Dagooc at Lone District, Occidental Mindoro Rep. Leody Tarriela sa gobyerno na resolbahin agad ang problema ng power outages sa 32 mga probinsya sa bansa na nakakaapekto sa 25 million mga Pilipino.
Ayon kay Dagooc, sumulat na siya kay House Speaker Martin Romualdez para dagdagan ang budget ng National Power Corporation o NPC.
Ginawa ito ni Dagooc, kasunod ng advisory ng NPC na epektibo sa unang araw ng Marso ay babawasan nila ang operating hours ng Small Power Utilities Group (SPUG) dahil sa mataas na presyo ng diesel at kakulangan ng budget.
Diin ni Dagooc, apektado nito ang NPC operated plants at New Power Producers o NPPs.
Giit naman ni Congressman Tarriela ang kuryente ay hindi “luxury” o luho kundi isang pangangailangan ng taumbayan kaya mahalagang masolusyunan agad ang power outages hindi lamang sa Mindoro kundi sa lahat ng probinsyang apektado.
Dagdag pa ni Tarriela, hindi lang dapat umaasa sa sariling pondo ang NPC at SPUG at sa halip ay ikonsidera din ang iba pang funding sources tulad ng mga bangko.