Power transmission services ng NGCP, hindi nagtamo ng pinsala sa malakas na lindol sa Masbate

Hindi nagtamo ng anumang pinsala ang power transmission facilities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Cataingan, Masbate sa kabila ng malakas na lindol kahapon.

Sa ulat ng NGCP, nanatiling normal ang serbisyo nito pagkatapos ng pagtama ng magnitude 6.6 na lindol.

Maging ang Bicol Grid ay nanatiling intact at wala ring nangyaring power interruption at damaged transmission facilities sa Bicol Region at kalapit lugar kung saan naramdaman ang pagyanig.


Sa inilabas namang ulat ng National Electrification Administration mula sa Department of Energy (DOE) Task Force on Energy Resiliency, napilitang i-shutdown ang DMCI Cataingan Satellite Plant dahil sa lindol.

Hindi naman naapektuhan ang ibang power plants nito maging ang NPC’s Bicol operations at SPUG facilities sa Masbate.

Maliban sa mga bayan ng Cataingan, Pio V. Corpus, Esperanza, Placer, Uson, Dimasalang at Planas na nagkaroon ng power interruption.

Sinabi ng Masbate Electric Cooperative (MASELCO) na ito’y dahil sa pagkasira ng linya ng kuryente at bumigay na poste bunga ng lakas ng pagyanig.

Facebook Comments