Mas lalo pang pinaigting ng Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog ang kanilang ugnayan para sa kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong Semana Santa.
Sa isinagawang coordination meeting, nag-usap ang mga opisyal ng PPA at PCG para palakasin ang kanilang koordinasyon at tiyaking maayos ang mga sistema na ipinatutupad sa mga pantalan sa Southern Tagalog na isa sa pinakamatao tuwing holiday.
Layunin din ng pagpupulong na mapag-usapan kung anong pwede pang maitutulong ng bawat maritime government agency para mapaganda pa ang serbisyo sa publiko.
Kaugnay nito, magde-deploy ang PCG ng dagdag na K9 units at sapat na security personnel na katuwang ng PPA para sa pagpapatupad ng mga regulasyon.
Tututukan din ang proseso sa mga pantalan upang maiwasan ang singitan ng mga sasakyan at pasahero na kadalasang nagiging problema kapag peak season.
Para hindi naman mahirapan ang mga senior citizen o may kapansanan na babiyahe ngayong Semana Santa, naglaan ang PPA ng dalawang electric vehicle sa loob ng Passenger Terminal Building (PTB) ng Port of Batangas.