PPA, iginiit na hindi nila tauhan ang dalawang fixer na nahuli sa Batangas Port bago ang Pasko

Nilinaw ng Philippine Ports Authority (PPA) na hindi konektado ang kanilang mga kawani sa dalawang ‘fixer’ na nahuli kamakailan sa Batangas Port.

Ayon sa PPA, mariin nilang kinokondena ang mga fixer na mas nagpapahirap pa sa mga pasaherong makabiyahe sa kanilang pupuntahan.

Noong December 23 nang maaresto sa pamamagitan ng joint entrapment operation ng Philippine National Police Maritime Group, PPA Port Police, at Philippine Coast Guard-Batangas ang dalawang indibidwal na nag-aalok sa mga pasahero na mapapabilis umano ang kanilang mga biyahe kapalit ng ilang libong pisong padulas.


Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, babala na rin ito sa mga magtatangka na gumawa ng iligal na aktibidad sa mga pantalan.

Sa panig aniya ng PPA, nauna na nilang inilipat ang entrance gate sa Batangas Port upang makaiwas sa mga nag-aalok ng insurance sa labas ng pantalan.

Pero dahil holiday rush aniya ay sinamantala pa rin ito ng mga scammer at mga gustong maningil ng triple sa mga pasahero.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at pinagpapaliwanag na ang Asian Terminals Inc., sa isyung sangkot o kasabwat umano rito ang kanilang mga gwardiya.

Facebook Comments