Nagpapaalala ang Philippine Ports Authority (PPA) sa mga nagpadala ng mga balikbayan box na huwag maniwala sa mga text o tawag na nagpapakilala mula sa kanilang tanggapan.
Ito’y para alukin na mapabilis ang paglabas ng kargamento kapalit ng bayad.
Ayon sa PPA, huwag maniwala sa mga ganitong uri ng panloloko kung saan dapat ay makipagtransaksyon lamang sa mga lehitimong freight forwarder o mga nagpo-provide ng door-to-door cargo handling service.
Sinabi pa ni PPA General Manager Jay Santiago na wala ring katotohanan ang sinasabi ng mga scammer na kapag hindi nagbigay ng suhol ay papaalisin ang barko kung saan nakakarga ang kanilang mga balikbayan.
Giit ni Santiago, ang Bureau of Customs (BOC) ang nagpo-proseso ng mga balikbayan box at sila rin ang bahala sa inspeksyon at pagpapadala nito sa bansa.
Bukod dito, nagpapaalala pa ang PPA sa mga nagpaplano na magpadala ng balikbayan box na agahan ang pagpapadala nito upang matiyak na makakarating sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas ngayong Kapaskuhan.