PPA, nag-inspeksyon sa dalawang pinakamataong terminal sa buong bansa bago ang inaasahang ‘exodus’ ngayong Bagong Taon

Courtesy: Philippine Ports Authority Facebook page

Nagsagawa ng surprise inspection ang Philippine Ports Authority (PPA) sa dalawang pinakamataong terminal sa buong bansa ngayong araw.

Ito ay bilang bahagi ng kahandaan at pagtitiyak sa kaligtasan ng publiko na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya at mga magbabalik sa Metro Manila.

Unang ininspeksyon ni PPA General Manager Jay Santiago ang Port of Batangas, na may pinakamalaking passenger terminal building kung saan pumapalo sa 17,000 hanggang 22,000 ang pasahero kada araw tuwing peak season.


Ayon kay Santiago, bagama’t maluwag ang loob ng terminal at kaya nitong tumanggap ng 8,000 pasahero, karamihan sa mga nagiging problema ay ang online ticketing dahil mabagal umano ang processing ng mga shipping lines at maraming mga pasahero ang walang advance booking bago pumunta sa pantalan.

Ngayon araw ay inaasahan din ng PPA na papalo sa 18,000 ang bilang ng mga pasahero Batangas Port.

Sunod namang ininspeksyon ng ahensya ang Port of Calapan sa Oriental Mindoro na dinagsa rin ng mga pasahero.

Kaugnay nito ay nagpaalala ang PPA na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na items gaya ng gunting, blade, lighter, posporo, at maging mga paputok.

Mayroon ding ilang lugar na ipinagbabawal ang mga pork products tulad ng hamon at chicharon bilang pag-iingat sa african swine flu (ASF).

Facebook Comments