
Sa harap ng inaasahang buhos ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan, nagsagawa ng surprise drug test ang Philippine Ports Authority (PPA) sa kanilang mga tauhan.
Ayon kay PPA Spokesperson Eunice Samonte, nasa humigit-kumulang 1,000 regular at contractual employees ang sumasalang sa drug testing ngayong araw.
Sabi ni Samonte, maaaring matanggal sa trabaho at sumailalim sa kasong administratibo ang sinumang empleyado na magpo-positibo.
Wala naman daw nagpopositibo sa mga taga-PPA head office pero may ilang kaso na aniya noon na may nagpositibo na kawani sa mga pantalan sa ibang probinsya.
Samantala, una nang sinabi ng PPA na inaasahang sa Huwebes magsisimula na ang dagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.
Nasa apat na milyong pasahero ang inaasahan ng PPA na bubuhos ngayong holiday season.









