
Hiniling ni Senator Raffy Tulfo ang pagsibak sa ilang kasapi ng Bids and Awards Committee (BAC) at technical working group ng Philippine Ports Authority (PPA) na sangkot sa procurement o pagbili ng overpriced na mga body-worn cameras noong 2020.
Sa pagdinig ng budget ng Department of Transportation (DOTr), ibinunyag ni Tulfo na bumili ang PPA ng mga body-worn cameras na nagkakahalaga ng P879,000 kada unit.
Aabot sa 191 na body-worn cameras ang binili ng PPA sa isang kwestyunableng kumpanya na Boston Home Inc. na may kapital lang na P10 million at ang opisina nang papuntahan ng senador sa kanyang mga tauhan ay isang apartment lang.
Tinukoy pa ni Tulfo na ang kumpanyang ito ay na-flagged down na noong ng Commission ng Audit matapos na magbenta ng mga depektibong kagamitan sa Environmental Management Bureau (EMB).
Pero katwiran dito ni PPA General Manager Jay Santiago, dumaan ang lahat ng ito sa tamang proseso at sumailalim din sa national port surveillance center at hindi lang mga cameras ang binili kundi kasama na rin pati ang mga servers.
Pero iginiit ni Tulfo na kung dumaan ito sa proseso at na-backgroound check ay dapat nasilip ng PPA ang mga red flags sa kinuhang kumpanya.
Dahil dito, hiniling ng senador kay Transportation Sec. Giovanni Lopez na sibakin ang mga tauhan ng BAC at TWG na nagpalusot para maiaward ang kontrata sa Boston Homes dahil duda siyang may mga kasabwat para dayain ang pamahalaan.









