Nababagalan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa ginagawang aksyon ng Department of Agriculture (DA) sa pagtugon sa epekto ng African Swine Fever (ASF) sa hog industry ng bansa.
Ayon kay SINAG President Rosendo So, kung hindi pa inirekomenda ng mga senador ay hindi magdedeklara ng state of emergency ang DA.
Bagama’t sang-ayon siya sa hakbang na ito, hinimok naman ng grupo ang DA na higpitan ang pagsusuri sa mga ipinapasok na karneng baboy sa bansa para matiyak na hindi ito kontaminado ng ASF.
“We hope na, para safe e, ma-check nilang lahat. Kasi kung hindi, maski saan tayo magbantay dito sa local kung ang mga frozen e papasok lang, hindi sinusuri, wala ring kwenta,” saad ni So sa interview ng RMN Manila.
Ipinagtataka rin ni So kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng mga baboy sa palengke gayung mababa lang ang puhunan para sa mga imported meat.
Dahil dito, suportado ng grupo ang plano ng senado na imbestigahan ang umano’y “tongpats” system sa loob ng DA.
“Mababa puhunan nila, ang problema is sumasabay lang sa local yung retail price nila kaya nagtataka kami bakit hindi nila maibaba yung presyo,” saad niya.
“Kaya nung nabanggit ni Senator Ping Lacson na may tongpats, baka totoo nga na may ganon. Kaya dapat maimbestigahan talaga ng Senado kung ano yung situation para at least malaman natin saan napupunta yung tongpats na sinasabi.”