Pangulong Duterte, iginiit na dapat ilabas ni Trillanes ang katotohanan ukol sa WPS; dating senador, may buwelta

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na ilabas kay dating Senator Antonio Trillanes IV ang katotohanan sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Sa kanyang public address, iginiit ni Pangulong Duterte na nawala sa Pilipinas ang Panatag Shoal at nakuha ng China matapos ang backchannel talks nito sa Beijing officials.

Ito ang sinabi ng Pangulo matapos ihayag ni dating Senator Juan Ponce Enrile na nananatiling misteryo para sa kanya kung paano nagawa ni Trillanes na makipag-usap sa mga matataas na opisyal ng China gayung walang ganitong koneksyon sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.


Dagdag pa ni Pangulong Duterte na dapat ipaliwanag ni Trillanes sa publiko kung ano ang nangyari sa 16 na beses na pagpunta niya sa China.

Pagtataka rin ng Pangulo kung bakit si Trillanes ang itinalaga ni dating Pangulong Aquino na makipag-usap sa Beijing.

Sinegundahan ito ni Enrile at sinabing dapat ipaliwanag ni Trillanes ang kanyang koneksyon sa China.

Samantala, tumugon agad si Trillanes sa mga tanong nina Pangulong Duterte at Enrile.

Sa serye ng tweets, sinabi ni Trillanes na pinili siya ni dating Pangulong Aquino na gawin ang backchannel talks dahil mapagkakatiwalaan siya kumpara kay Enrile.

Sinabi rin ni Trillanes na binabaling lamang ni Pangulong Duterte ang isyu.

Aniya, naresolba na ang Scaborough ng dating administrasyon at wala ng mga barko at reclamations doon.

“‘Wag niyo ibahin ang usapan, wala sa Scarborough ang problema. Nalutas na ni PNoy yun. Wala ng mga barko ng China sa loob nun. Wala ring reclamation dun,”ani Trillanes.

“Nasa Spratlys ngayon ang problema na ayaw harapin ni Duterte,” dagdag pa ng dating senador.

Facebook Comments